Isang maaliwalas na
gabi, ako’y naglalakad pauwi mula sa trabaho dahil wala akong pambayad ng taxi
dahil nagastos ko na ang huling patak ng sentimo sa aking bulsa sa isang
proyekto sa iskul. Nang mapadaan sa isang iskinita; tumambad sa harapan Adan at
Ebang nagpapakasarap ala rodeo; walang pambayad ng motel. Di man lang ako
binalingan ng tingin. Tingin ko’y nakapanood mga ‘yon ng sex scandal video na
nagkalat sa bangketa.
Sa dulo ng iskinita
ay may dead end. Doon, binubugbog si Lampayatot ng mga adik ding tulad nya sa
looban. Lampa at payatot dahil sa rugby na ang amoy ay sinisinghot na para bang
sabaw ng bulalo.
Sa kabiling panig ng
pader, maririnig sina ina at ama. Si ina ay nagsusugal kasama si Baby. Si ama
ay tomotoma kasama si junior. Si baby ay pabalik-balik na ng ospital. Mas mahal
pa bayad dun kesa presyo ng gatas. Kung gayon nga eh ba’t sa sugal at toma
ginagasta ang pera? Mas mahal daw mabuhay kesa mamatay. Mas mura magpalibing
kesa magpagaling sa ospital. Si junior hindi nag-aaral tulad ng maraming bata
sa iskwater. Di nag-aaral dahil walang panggastos dahil walang trabaho sina ina
at ama dahil di sila nakapag-aral dahil walang panggastos dahil…
Palakad-lakad muli
paalis sa iskinitang iyon; sa isang tulay kung saan inaasam na masilayan
liwanag ng buwan at rikit ng mga bituin at gayon din sana ang samyo ng sariwang
pag-agos ng ilog; subalit, smog na makapal sa papawirin lang ang maaaninag at
masangsang na tubig kanal ang malalanghap. Naroon naman sa ilalim ng tulay
pamilyang sanay na sa ganitong senaryo sapagka’t walang pambili ng lupa at
walang pang-renta ng bahay sapagka’t walang sapat na pera sa kakarampot na
sahod sapagka’t simpleng trabaho lang ang kayang aplyan sapagka’t walang
pinag-aralan sapagka’t walang pang-gastos sa pag-aaral sapagka’t walang sapat
na pera sa kakarampot na sahod ang magulang sapagka’t simpleng trabaho lang ang
kayang aplyan sapagka’t walang pinag-aralan sapagka’t walang pang-gastos sa pag-aaral
sapagka’t…
Palakad-lakad pa rin
at sa may parke na lamang tutungo. Tiyak na maganda roon kahit pa nagkalat ang
mga kalat at basura sa daan. May pera sa basura dahil pwedeng irecycle ang
maraming patapon nang bagay. Makakahanap nang paraan ang malikhaing Pinoy. Nga
pala, may pagkain din sa basura, may bahay pa nga eh. Tulad ng karitong tahanan
ng pamilya ni Mang Jose. Dun din galing batchoy nila Utoy galing sa tira-tirang
pagkain ng mga resto.
Sa wakas ang parke!
Simple man ay libre naman dito. May simbahan malapit rito. Dito nagtatagpo
lahat ng uri ng nilalang sa siyudad na ito. Kasama na rito ang mga nadaanan ko
na kanina, pati na mga daraanan ko mamaya pag-uwi: mala-Forbes Park at Alabang
na lugar makabalik lamang sa aming dampa.
Istambay muna ako rito.
Manonood muna ng rock show ng banda kong paborito. Sa ganitong paraan
napapanood ko din sila, di nga lang sa mga club tulad ng Rockwell. Rocks lang
kasi laman ng bulsa ko na di makakabibili ng bato. Bato na tinitira ng mga anak
mayamang pobre sa pagmamahal ng mga magulang nila na ayaw paabala dahil busy sa
pag-multiply at pag-add ng pera kaya divided at subtracted attention na
naibibigay nila sa kanilang mga anak. Namamalimos ng pagmamahal mga rich kid
samantalang namamalimos ng pera mga poor kids. Ba’t di na lang kaya give and
take mga anak na mga ito?
Heto na ‘yung isa sa
kanila na namamalimos ng pera. Di ko bibigyan ni singkong duling dahil di ko
balak palamunin sindikatong may hawak sa kanila at di ko rin pangarap na turuan
silang maging tamad at ‘wag magtrabaho para kumita ng salapi. Mabuti’t di ko
kasama ang cheatmate kong aktibista. Tiyak pupunain nun kawalan ko raw ng awa
dahil di naman lahat ng pulubi ay may sindikato.
Di ko tuloy napansin
ang banda. Tapos na palang tumugtog at kumanta sa siksikan ng mga tagahanga
nila. Puro ulo naman nakikita ko. Samantalang yung cheatmate kong aktibista
nasa Mendiola, nagkikilos protesta laban sa gobyerno kasama ng mga nagmamahal
pa raw sa bayan. Sinamahan ko siya minsan kaso nabomba kami ng tubig, nabato pa
ako ng mineral water bottle. Makauwi na nga.
Kayraming
organizations at foundations na nagbibigay tulong sa mga mahihirap. Kaso
nilalamon lamang sila ng mga naglalakihang mga gusali at mga pagawaang kaydami
din. Sila na gumagawa ng kung anu-anong kadalasa’y di mabibili ng mga nadaanan
ko na kanina maliban na lang kung magkamal sila ng salapi galing sa masama:
carjacking, kidnapping, stealing, ing…ing…ing…
Pasko na pala sa mga
susunod na mga lingo. ‘Yun na nga po uli panahon kung kelan nakakabili na ulit
ng kung anu-ano kahit papano ang mga nadaanan ko na kanina pero mas lalo na mga
madadaanan ko pa lang ngayon.
Blue at white collared job workers at owners sa mga gusaling ito’y marami. Kaso mas marami daw ang mga unemployed at underemployed ayon sa survey na napanood ko sa T.V. Maraming college graduate ang nagtatrabaho lamang sa mga factory. Hay, mga factory na ito kasama ng mga usok galing sa mga sasakyan na sumisira sa papawirin ang nagdudulot ng smog at polusyon sa hangin. Basura nila kasama ng mga basura ng mga mamamayan equals polusyon sa lupa at sa tubig.
Blue at white collared job workers at owners sa mga gusaling ito’y marami. Kaso mas marami daw ang mga unemployed at underemployed ayon sa survey na napanood ko sa T.V. Maraming college graduate ang nagtatrabaho lamang sa mga factory. Hay, mga factory na ito kasama ng mga usok galing sa mga sasakyan na sumisira sa papawirin ang nagdudulot ng smog at polusyon sa hangin. Basura nila kasama ng mga basura ng mga mamamayan equals polusyon sa lupa at sa tubig.
At last! Nakauwi na
rin. Heto at isinusuka na ng tinta ng pluma ko ang nakakasukang sitwasyon ng
bansang ito: ang pobreng mayamang bansa na mayaman sa utang at sa natural
resources. Natural resources na banyaga kadalasan ang nakikinabang. Sinasabayan
ng pagtangis ng bolpen ko ang pag-head bang ng ulo ko sa saliw ng musika sa
radyo. Baka sakaling may maisip akong paraan para lutasin ang problema ng
bayan. Naks! Di naman ako public servant ah. Di rin ako superhero tulad nina
Panday at Darna na mapapanood sa telebisyon. Escapist nga daw kasi mga Pinoy
kaya mahilig sa fantaserye at teleserye. Yakap sa mga panoorin sa T.V. para
iwas suliranin.
Ano kaya magandang
trabaho? Taga-bulsa ng kaban ng bayan? Kaban na dapat sa proyektong
pang-edukasyon, pang-kalusugan, at pang-hanapbuhay mapunta ay sa kampanya nina
ganito at ganyan ginastos noong eleksyon? Tagatugis ng mga criminal sa krimeng
ginagawa rin naman ng tagatugis kung minsan? Jueteng lord? Pirata ng mga
pelikulang pinapanood at musikang pinapakinggan ko? Rebelde? Terorista? Wag na!
Di ako sang-ayon sa marahas na pamamaraan para sa reporma. Komunista?
Aktibista? Ayokong mabato uli ng mineral water bottle eh. OFW na lang kaya
kahit pa nahuhusgahan ng sentensyang bitay ang ilan sa kabila ng protesta ng
mga kababayan dito? Hindi maaawa mga bansang iyon sa bansang ito na may batas
kamatayan din. Makatulog na nga.
Bukas balik sa dati
ang lahat. Papasok sa iskul at sa trabaho; palakad-lakad sa gabi; magkikibit-balikat
na lamang tulad ng dati sa mga napapansing mga bagay ala reklamador ng bayan na
kayang palakihin ang maliliit na problema pero wala namang ginagawang solusyon.
Kasi wala naman talaga ako magagawa eh. Napapanaginipan ko tuloy ang lahat ng
isinulat kong obserbasyon dito.
Kagigising ko pa lang
nga eh dating gawi na agad: iskul at trabaho pagkatapos ay palakad-lakad muli
sa gabi. Mapalad ako’t di pa malalim ang gabi. Di ko pa masisilayan ganda ng
mga Magdalenang mababa ang lipad; iskulmeyt pa nga namin ‘yung iba sa kanila eh.
Sila’y mga simpleng dalagang estudyante sa araw at sa gabi ay… Oo nga pala, di
lang mga Eba ang prosti ngayon; may mga Adan at half-Eba/half-Adan na rin.
May pag-asa pa ba ang
mayamang pobreng bansang Pilipinas na mayaman sa utang at natural resources?
Siyempre meron pa! Maaaninag ito araw-araw; di nga lang masyadong pansin. Sa
likod kasi ng kadiliman ay may nagkukubling liwanag. Sa likod ng mga ulap ay
naroon pa rin ang araw. May pag-asa habang may buhay at may nagsusumikap
mabuhay kahit pa man nagkukumahog para lamang mabuhay.
May pag-asa pa
habang: may mga Nene pang nagtitinda ng sampaguita imbes na mamalimos sa
kalsada; may mga Mang Jose na kahit nakatira sa kariton ay marangal na
naghahanap-buhay kahit man sa pag-shoe shine ng sapatos; may mga ate o kuya na
mga manggagawa sa mga factory at trabahador sa construction imbes na gumaya
kina Lampayatot at sa mga adik sa looban; may mga tindero at tindera ng mga
kakanin, turu-turo sa karinderya, mga iba’t-ibang klase ng street foods, market
goods, atbp. sa loob at sa labas ng mga agora sa halip na magtulak ng mga
ipinagbabawal na gamot; may mga sir at madam na walang sawang magturo sa
mga pag-asa ng bayan sa kabila ng kakarampot nilang sahod kahit pa man terror sila kung minsan; may mga estudyanteng kahit nahaharap sa iba’t ibang
uri ng mga hamon at hirap sa buhay – mapa-pinansyal, emosyonal, sosyal man,
atbp. ay nag-aaral pa rin ng mabuti; may mga bagong bayani na tinitiis ang pagka-home
sick sa abroad; may mga rakista at iba pang mga alagad ng sining; may mga
tagapagpatupad at tagapagtanggol ng batas na may malinis na konsensya sa
trabaho; at may mga pulitiko at mga kawan ng gobyernong hindi kurakot. Habang
nandito silang lahat, may pag-asa pa. #
December 2005: 10th,
8th, 6th, 1st, and a few weeks earlier
Post a Comment