Labor Day sa Pilipinas at sa Hong Kong - BlogPh.net

Top Menu

Labor Day sa Pilipinas at sa Hong Kong

Ang May 1 ay isang public holiday sa maraming bansa sa buong mundo kasama na ang Pilipinas at ang Hong Kong. Ito ay tinatawag na May Day dahil sa pumapatak ang selebrasyon nito sa unang araw tuwing buwan ng Mayo. Ang May Day ay nag-uugat sa mga tradisyon na nagsimula pa noong sinaunang panahon patungkol sa pagdiriwang na ayon sa panahon ng tagsibol. Sa modernong panahon, ang May 1 ay tinaguriang International Workers Day o araw ng mga manggagawa.

Sa Estados Unidos, ang Labor Day ay ipinagdiriwang sa unang Lunes sa buwan ng Setyembre. Ang araw ay nag-iiba lamang depende sa tradisyon ng isang bansa subalit sa karamihan ng mga lugar sa mundo, ito ay ginaganap tuwing Mayo 1.

Labour Day sa Hong Kong

Tulad ng Pilipinas, ipinagdiriwang din ng Hong Kong ang May 1 bilang Labour Day sa pamamagitan ng pinaghalong tradisyonal na pamamaraan kasabay ng makabagong selebrasyon. Ang mga opisina kasama na ang mga banko at iba pang pinansyal na kumpanya ay sarado subalit ang mga establishments na pampubliko ay bukas tulad ng mga malls at mga kainan. Tinatawag pang golden shopping day ng ilan ang May 1 para sa Hong Kong.

Dahil ito’y national holiday at walang pasok sa karamihan ng mga manggagawa, sinasamantala ng mga indibidwal at mga pamilya ang pagkakataong ito para kumain sa labas, mamasyal, at mag-shopping. Taon-taon din sa parehong panahon ay inaasahan ang pagdagsa ng mga residente galing sa mainland China upang bumisita sa Hong Kong. Umaabot ang bilang nila sa daan-daang libo.

Labor Day sa Pilipinas

Sa kabilang banda, ang Labor Day naman sa Pilipinas ay kaakibat ng dalawang mukha; isa na puno ng kasiyahan at pagdiriwang at isang nababalutan ng protesta.

Ang una ay dahil panahon ng tag-init ang May 1. Kung kaya’t ang mga pamilya ay itinataon ang pagbisita sa mga resorts at beaches sa panahong ito na walang pasok at mainit ang panahon. Maraming mga resorts at mga beaches sa buong Pilipinas ay napupuno na mga magkakapamilya at magkakaibigan na masayang nagtitipon para kumain at magtampisaw sa malamig na tubig kahit pa man sila’y nabibilad sa init ng araw.

Ang ikalawa naman ay dahil sa kaliwa’t kanang mga protesta buhat sa iba’t ibang kawani ng lipunan lalo na ang mga labor groups at organizations. Ang Kilusang Mayo Uno o KMU ay isa sa mga grupong ito na walang sawa sa pagprotesta tuwing Labor Day upang ipaglaban ang mga karapatan ng mga manggagawa, lalo na ang mga pangkaraniwang mga empleyado. Ang iba pang mga grupo na aktibo tuwing Labor Day ay ang Bagong Alyansang Makabayan o Bayan at ang Anakpawis Partylist.

Labor Day Para Sa’yo

Nasaan ka man sa May 1, maging sa Hong Kong, Pilipinas, o kahit saan pa man, maaari mong ipagdiwang ang Labor Day sa pamamaraang gusto mo. Maaari kang magsaya kasama ng mga kapamilya at mga kaibigan para sa isang swimming reunion. Pwede ka ring sumali sa mga aktibidades na makatutulong upang isulong ang mga karapatan ng mga manggagawa sa mapayapang pamamaraan. 

Post a Comment

Copyright © BlogPh.net